222

Dec 28, 2017 @ 13:49
By

Bagong P5 barya dumaan sa pag-aaral – BSP

Ibinasura ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang panawagan ni Senadora Nancy Binay na ihinto ang pagpapalabas ng bagong P5 barya.

Ayon kay Carlyn Pangilinan, managing director of the Currency Management Sub-Sector, ipinalabas nila iyon dahil maraming naghahanap ng P5.

Inumpisahan ang paglalabas ng P5 sa paggunita sa kaarawan ni Gat Andres Bonifacio nitong nagdaang Nobyembre 30.

Itinanggi ni Pangilinan na madalian ang pag-iisyu ng naging kontrobersiyal na P5 barya dahil tatlong taon aniya ang pag-aaral sa disensyo at security features ng salapi bago ilabas ng BSP.

Una rito, nanawagan si Binay na itigil ang pag-iisyu ng P5 dahil nakakalito umano sa publiko dahil hawig sa P1 ngayon ang sukat at kulay.

Nasanay umano ang publiko sa P5 kulay tanso pero ang bago nito ay pilak na katulad ng pisong barya.

“Yung bagong disensyo ay mga tatlong taong pinag aralan at maraming features na naka-incorporateNagkataon na ito unang inilabas, Kasi sa sitwasyon natin ngayon, marami ang naghahanap ng barya na hindi namin maipaliwang kung bakit may shortage. Wala namang shortage dahil sa dami ng inilabas naming barya,” paliwanag ni Pangilinan sa panayam sa radyo.

“Kinukunsidera rin ang gastos kaya nag iba ang kulay,” dagdag nito.

Samantala, hinihikayat ng BSP ang publiko na gamitin ang mga barya at huwag itago sa alkansya para bumalik ang mga ito sa sirkulasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?