161

Oct 22, 2019 @ 15:09
By

Bagong opisina, 2 dump truck pinasinayaan sa Navotas

Sabay na pinasinayanan ang bagong-ayos na mga opisina sa Navotas City Hall at ang pagbabasbas ng dalawang dagdag na dump truck.

Sama-sama sina Mayor Toby Tiangco, Congressman John Rey Tiangco, at iba pang opisyal ng lungsod sa inagurasyon ng mga naayos na opisina sa unang palapag, tulad ng Department of the Interior and Local Government – Navotas, City Agriculture, Information and Communications Technology, Public Information, at NavotaAs Hanapbuhay Center.

Sinabay na rin ang karagdagang dump truck para mapalakas umano ang waste management program ng lungsod at mas maayos na koleksyon ng basura.

Kasama rin sa mga napasinayaan ang City Treasurer’s Office sa second floor; at ang mga tanggapan ng City Disaster Risk Reduction and Management, Internal Audit, Bids and Awards Committee, Barangay Affairs and Community Relations, Navotas Action and Command Center, at Social Services One-Stop-Shop sa ikaapat na palapag.

Binigyang-diin ng alkalde ang halaga ng pagkakaroon ng maayos at epektibong serbisyo sa lahat ng mga Navoteño.

“Ang pag-aayos ng ating mga pasilidad ay kasama sa ating misyon na makapaghandog ng pinakamahusay na serbisyo sa ating mamamayan. Hangad natin na maging komportable at masaya ang mga Navoteño kapag bumibisita sila sa city hall,” ayon kay Tiangco.

Ang mga renovation ay kasama sa serye ng mga pag-aayos ng mga opisina sa Navotas City Hall para maging mas madali para sa mga residente ang pagkuha ng serbisyong kanilang kailangan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?