77

Oct 25, 2017 @ 18:19

Bagong Maute recruits, pinangakuan ng P30K na suweldo

Pinangakuan ng mga Maute ISIS group leader ang kanilang mga bagong recruit ng tig-P30,000 suweldo kada buwan.
Ito ay kung nagwagi sila sa natapos nang giyera sa Marawi City.

Ang impormasyong ito ay ibinunyag mismo ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Eduardo Ano makaraang masorpresa sa malaking bilang ng teroristang Maute sa Marawi.

Sa datos ng AFP, umaabot sa halos 1,000 terorista ang napatay ng mga sundalo sa limang buwang bakbakan sa lungsod bago nagtagumpay ang tropa ng pamahalaan.

Sinabi ni Gen. Ano, 250 lang ang orihinal na bilang ng Maute terrorists na pumasok sa Marawi, at karamihan sa mga nakasagupa ng militar sa siyudad ay mga bagong recruit.

Ang mga bagong recruit ay inalok ng P15,000 kada buwan kasabay ng pangako na dodoble ito sa P30,000 kung nagtagumpay sila sa Marawi.

Ayon pa kay Ano, ang pondo ay manggagaling sa bilyong pisong sinasabing nasamsam ng mga terorista sa pag-ransak nila sa mga bangko at commercial establishments sa lungsod sa unang mga araw ng bakbakan.

Naniniwala naman si Ano na sa ngayon burado na sa mundo ang Maute terror group matapos mapatay ang kanilang mga lider. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?