104

Dec 28, 2017 @ 9:33
By

Bagong laya, patay nang barilin ng naka-bonnet

Isang bagong laya na umano’y sangkot sa droga ang nasawi nang pagbabarilin ng isang lalaking naka-bonnet, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.

Sanhi ng tatlong tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril, dead on the spot ang biktimang si Edwin Pintucan, 34, isang tricycle driver.

Sa imbestigayon ng Taguig City police, naganap ang insidente alas-sais ng gabi, sa Bagongbayan St., Brgy. Ibayo Tipas ng naturang lungsod.

Lumalabas sa imbestigasyon, nakatayo ang biktima sa naturang lugar nang biglang dumating ang isang lalaking naka-bonnet.

Bumunot ito ng baril at walang salitang pinagbabaril ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang ginawang pamamaril ng suspek ay mabilis na tumakas sa hindi mabatid na direksiyon na palayo sa pinangyarihan ng insidente.

Sa nakalap na impormasyon ng pulisya, sangkot umano ang biktima sa droga at kalalaya lamang nito noong nakaraang buwan mula sa kaniyang pagkakulong at hindi naman binanggit ang naging kaso nito.

Samantala, patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya hinggil sa insidente at inaalam na rin kung mayroong nakalagay na closed-circuit television (CCTV) camera sa lugar kung nahagip para sa pagkakilanlan ng salarin. (Armida Rico)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?