112

Nov 23, 2017 @ 17:13
By

Bagong laya na binata, balik-kulungan sa pagnanakaw

Sa rehas na bakal magdiriwang ng kanyang kaarawan ang 19-anyos na lalaki matapos na maaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) nang pagnakawan ang isang boarding house sa Cubao, Quezon City, Huwebes ng hatinggabi.

Ang suspek na si Gearly Gapasen, 19-anyos, tubong Pangasinan, ay nahuling nagtatago sa mga halaman matapos pasukin ang isang boarding house sa Planas III, Brgy. Kaunlaran, Cubao, dakong alas-12:00 ng hatinggabi.

Batay sa pahayag ni Ramon Montarde, deputy executive officer ng barangay, modus ng suspek na dumumi sa kung saan-saan o sa mga halamanan para kapag nahuli ay siyang gagawing alibi nito.

Nabatid sa QCPD Cubao Police Station 7, hindi lang umano ito ang bahay na pinasok ni Gapasen, na isa umanong miyembro ng ‘sputnik gang.’ Ayon sa pulisya, hindi agad nahuhuli ang suspek dahil pasulpot-sulpot lamang ito sa lugar.

Hindi naman itinanggi ni Gapasen ang paratang sa kanya at sinabing nagawa lamang niya ang pagnanakaw upang may maipanghanda siya sa nalalapit niyang kaarawan subalit hindi nito sinabi kung kailan.

Sa report, ikatlong beses nang pinasok ni Gapasen ang naturang boarding house ngunit wala pa umano itong nakukuha at laging nabibigong pagnakawan ang naturang bahay.

Nahaharap lamang sa kasong trespassing si Gapasen dahil wala namang nakuhang ebidensiya sa kanya na ninakaw nito sa boarding house.

Ito na ang ikalawang beses na makukulong ang suspek, ang una ay noong nakaraang taon lamang kung saan nakasuhan ito ng shoplifting at nakalaya lamang nitong Enero ngayong taon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?