229
columbian-dyip
May 3, 2018 @ 17:58
By

Bagong import na si Fields ipaparada ng Dyip

Ibang attitude na ang pinapakita ng Columbian Dyip sa unang linggo ng PBA Commissioner’s Cup.

Naipanalo ng dating Kia ang dalawa sa tatlong laro, nagmumukhang hindi na ‘yung dating team na pinagwawasiwasan lang at ginagawang minahan ng ‘W’ ng 11 koponan pa.

Sa nakalipas na Philippine Cup, isa lang sa 11 elimination games ang naipanalo ng noo’y Kia, hindi nga lumagpas sa elimination round sa 10 conference sa liga sapul nang sumali bilang expansion team noong 2014.

Sa kasalukuyang import-laden tournament, unang sinagasaan ng Columbian ang Blackwater 126-98, nakuryente sa Meralco 116-103 bago muling niluray ang NLEX 123-120 noong April 28.

Pasado ang reinforcement ng Columbian na si CJ Aiken, ayon kay coach Ricky Dandan ay ‘exam week’ niya, pero nagdesisyon ang team na pasibatin na ito dahil sa “family issue” na kailangan daw asikasuhin.

Miyerkoles ay dumating ang kapalit ni Aiken na si John Bailey Fields III at nasukat sa PBA office na 6-foot-8. Galing ang 30-anyos na si Fields sa paglalaro sa Aries Trikalla team sa Greece.

Masusubukan ang attitude at bagong import laban sa Alaska na sa 1-1 ay misyon ding sundan ang 93-74 win kontra Elite noong April 29.

First game ang Aces at Columbian sa Smart Araneta Coliseum mamaya, bago ang bakbakan ng sister teams Bolts at Road Warriors sa main game.

“Our game will again be tested against Alaska,” giit ni Dandan. “We hope to be able to sustain the pace that we need to stay close with them and have a chance to win.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?