52

Jan 1, 2018 @ 17:02
By

Bagong Immigration law, pinamamadali sa Kamara

Kasunod nang pag-apruba ni Pang. Rodrigo Duterte sa trust fund ng Bureau of Immigration, sinabi ni Ako Bicol partylist Rep. Rodel Batocabe na dapat apurahin ng Kongreso ang pagpapatibay sa bagong Immigration law ngayong 2018.

Giit ni Batocabe, napakaluma na ng kasalukuyang Immigration law na ipinasa noon pang 1940 o panahon ng World War II at Cold war eras kung kailan hindi pa gaanong problema ang transnational crimes gaya ng human trafficking at terorismo.

“Today, with ‘old crimes being committed in new ways’, it is time that we have to revisit the existing BI law and its amendments and provide the trainings and the tools to truly secure our porous borders”, ani Batocabe.

Dagdag pa ng kongresista, ngayong masyado ng advanced ang teknolohiya, dapat namang armado ang immigration at border control officers ng kinakailangang trainings at kagamitan para matugunan ang iba’t ibang banta.

Ayon kay Batocabe, sa panukalang bagong batas ay matitiyak hindi lamang ang sahod ng mga empleyado kundi maging ang reorganization ng BI sa Commission on Immigration.

Una rito, pinayagan ni Duterte ang paglikha ng trust fund ng BI mula sa express lane fees kung saan kukunin ang pambayad sa sahod at overtime ng mga empleyado nito.

“PRRD’s message is a signal for us legislators to fast-track the proposed law,” sabi ni Batocabe. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?