380

Dec 15, 2017 @ 17:17
By

Bagong estilo ng mga adik: Shabu itinuturok na

Ito ang ini-report ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Chief Superintendent Guillermo Lorenzo T. Eleazar kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief, Police Director Oscar Albayalde makaraang madakip ang sampung hinihinalang drug pushers at users sa isang hotel na ginawang drug den sa Cubao, Quezon City.

Kinilala ni Gen. Eleazar ang mga nadakip na sina Marco Paulo Cruz, alyas Baste, massage therapist, 24-anyos, residente ng No. 13-G Data St. E. Rodriguez Ave.; Roseller Belleza Jr., 30, ng Brgy. Alicia; John Paul Mallari, 25, ng tubong Laguna, at Darcy Mendoza, 37, residente ng Sta. Mesa, Manila.

Si Cruz ang itinuturong mastermind at maintainer ng nasabing drug den, at ang mga tauhang sina Belleza, Mallari, at Mendoza ang siyang nagsasagawa ng injection sa pulbos na shabu (pulverized shabu), na inihahalo sa ‘sterile water’.

Naaktuhan pa na itinuturok ng mga tauhan ni Cruz sa ugat sa ilalim ng siko ng anim nilang kliyenteng adik ang nasabing droga.

Sila ay nakilalang sina Glenn Llamita, 25-anyos, ng Cavite; Jovani Guimeroy, 32-anyos, ng Bagong Pag-asa; Hyan Rey Ilaguison, 30, ng Pasay City; Dan Harold Quintos, 26; Jovir Agpoon, 28, kapwa residente ng Brgy. Batasan Hills, at Mark Anthony Grechen, 30-anyos ng Visayas Ave., ng nasabing lungsod.

Sila ay pawang naaresto sa loob room No. 434 of Lykes Hotel, na matatagpuan sa Imperial St., Brgy. E. Rodriguez Sr., Cubao, QC.

“The new method is said to give addicts an immediate rush of ’high’ much faster than that gradually acquired through smoking, and requires less preparation and paraphernalia,” paliwanag pa ni Gen. Eleazar.

Nabatid na dakong alas-3:45 ng madaling-araw, Disyembre 15, 2017, nang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng District Drug Enforcement Unit (DDEU), District Special Operations Unit (DSOU), at Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Cubao Police Station (PS-7) na pinamumunuan ni DDEU chief P/Chief Insp. Ferdinand Mendoza, ang nasabing hotel matapos ang tatlong Linggong pagmamanman.

Nasamsam sa nasabing drug den ang 35 sachets ng shabu, syringes, iba pang drug paraphernalia, cellphone; Php 2,080 cash at buy-bust money.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?