49

By

Bagong Dyip import Prosper dumating na

Parating ngayong araw ang bagong import ng Columbian Dyip na si Lester Prosper, papalit sa pinasibat nang si Kyle Barone.

Tubong Dominican Republic ang 30-anyos na si Prosper, kaliwete at kilalang shotblocker.

“Our new import will help us play defense kasi ‘yun ang specialty niya,” ani Columbian coach Johnedel Cardel. “Also, he can give us the energy para sa mga locals, ganahan sila.”

Bago umalis si Barone, tinulungan niya muna ang Dyip na makuha ang breakthrough win sa PBA Commissioner’s Cup, 120-105 kontra NLEX Road Warriors noong Sabado sa MOA Arena.

Rumampa si Barone sa kanyang swan song sa tono ng 31 points at 8 rebounds.

Naglista ng bagong career-high na 39 points si CJ Perez na pinalamutian ng 9 rebounds para itulak ang Dyip sa unang panalo pagkatapos ng tatlong semplang.

Malaking papel din ang ginampanan ni Jackson Corpuz na nagpasabog ng 18 points at 8 boards habang inaangklahan ang depensa kay NLEX import Tony Mitchell.

Umayuda pa si Rashawn McCarthy ng 12 points, 5 rebounds at 6 assists sa Dyip.

Umiskor si Perez ng 14 mula sa apat na 3-pointers sa third quarter, may 10 din sa period si Barone tungo sa 10 points nang kumalas ang Columbian tungo sa 82-52 lead.

Inaasahang magagamay na ni Prosper ang sistema ng team bago ang susunod na arangkada ng Dyip sa June 16 kontra Magnolia.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?