35

Nov 29, 2017 @ 17:29
By

Bagong botante umabot na sa 500K

Umaabot na sa halos 500,000 ang bilang ng mga botanteng nagpatala sa ilalim ng continuing registration ng Commission on Elections (Comelec).

Ayon sa Comelec, mula Nobyembre 6 hanggang Nobyembre 25, umaabot sa kabuuang 496,816 ang aplikasyong natanggap ng poll body sa buong bansa.

Pero sinabi ni Comelec Spokesman Director James Jimenez, inaasahan nilang tataas pa ang nasabing bilang dahil inaasahan na nila na maraming botante ang hahabol sa huling araw ng voters’ registration bukas, Nobyembre 30.

“It can be clearly seen from the upward trend of the weekly registration turnout that people tend to register only during the last few days of registration,” saad ni Jimenez.

Pinakamarami sa naiprosesong aplikasyon ng Comelec ay mula sa National Capital Region (NCR) na may 81,047 kabuuang aplikasyon kasama na rito ang mga nagparehistro para makasali sa Sangguniang Kabataan (SK) Elections.

Mas marami rin ang mga babaeng nagparehistro dahil ang kanilang aplikasyon ay umabot sa 269,030, habang ang mga lalaking nagparehistro ay aabot naman sa 227,786.

Mayroon na lamang hanggang alas-singko ng hapon bukas ang mga gustong humabol sa voters’ registration. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?