258

Jan 17, 2020 @ 13:33
By

Bagong bitak naispatan sa Taal Volcano

Nadiskubre ang bagong steaming fissure o bitak sa hilagang bahagi ng isla ng Taal Volcano.

Ayon sa nilabas na bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology nitong Biyernes ng umaga, lumaki rin ng ilang centimeter ang mga bitak sa mga bayan ng Lemery, Agoncillo, Talisay at San Nicolas sa Batangas.

Ito’y kasunod din ng nakitang patuloy na paglalabas ng usok ng bulkan at mangilan-ngilan na maliliit na explosion sa main crater nito.

Nagpakawala rin ng maitim na ash plume ang bulkan na may taas na 100 hanggang 800 meter.

Samantala, naitala naman ang 65 na lindol sa bulkan base sa pagsusuri ng Philippine Seismic Network bandang alas-5 ng umaga, Huwebes hanggang alas-5 ng umaga nitong Biyernes.

Dalawa dito ay may lakas na magnitude 1.3 at 3.1, para iakyat sa kabuuang bilang na 634 volcanic earthquake mula noong Linggo.

Patuloy pa ring nakataas ang Alert Level 4 sa bulkan, ibig sabihin ay posible pang magkaroon ng mapanganib na eruption sa mga susunod na araw.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?