183

Nov 5, 2017 @ 19:05

Bagon ng MRT nagliyab sa QC

Nag-panic at nagtulakan ang mga pasahero ng Metro Rail Transit Line-3 (MRT-3), makaraang biglang umusok at magliyab ang isang bagon habang ito ay bumibiyahe sa pagitan ng Araneta at Kamuning northbound station sa Quezon City, kahapon ng umaga.

Sa ulat na nakarating sa Quezon City Police District (QCPD) station 10 , dakong alas-10:10 ng umaga ng maganap ang aberya sa harap lamang ng kanilang istasyon sa Kamuning station makaraang makita ng piloto ang pag-usok at pagliyab nito sa tapat ng Nepa Q-Mart, Quezon City.

Agad namang inihinto ng piloto ng MRT-3 sa nasabing lugar at mabilis na pinababa ang mga pasahero at pinaglakad ng halos isang kilometro sa gitna ng riles patungo sa Kamuning station.

Ayon kay PO1 Paul Jason Torres ng QCPD, agad silang tumawag sa Bureau of Fire Protection (BFP) ng makarating sa kanila ang impormasyon na nagliliyab ang isang tren ng MRT-3 na mabilis naman nirespondehan ng mga bumbero.

Wala namang naiulat na nasaktan sa maraming bilang na pasahero na sakay ng nagliyab na bagon.

Sa ngayon ay masusing iniimbestigahan ng pamunuan ng MRT-3 kung ano ang dahilan ng insidente at humihingi rin sila ng paumanhin sa nangyari.

Dahil sa naganap na insidente, pansamantalang nilimitahan ang biyahe ng MRT-3 mula Shaw Avenue hanggang Taft Avenue stations lamang. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?