18

Sep 14, 2021 @ 12:49
By

Bago sumalang sa Senado! Gabinete magpaalam muna – Duterte

Si Pangulong Rodrigo Duterte ang magpapasya kung papayagan o hindi ang isang miyembro ng gabinete na humarap sa imbestigasyon ng Senado.

Ito ang inihayag ng Pangulo sa kanyang Talk to the People kasunod ng obserbasyon na kung saan-saan na napunta ang isyung kinakalkal ni Senador Dick Gordon.

Pinuna ng Presidente ang ginagawang imbestigasyon ni Gordon kung saan ipinapahiya ang mga ipinapatawag sa Senate Blue Ribbon Committee o kung hindi man ay hindi pinapatapos magsalita at pinapahintay ng hanggang pitong oras bago isalang.

“Ganito ang proposal ko: I will require that the cabinet members invited to your hearings that he will clear the invitation with me. This time I will require every cabinet member to clear with me any invitation and if I think that he will be called for walang silbi except to harass, to be berated in front of the Republic, eh hintuin ko na yan at pagbawalan ko na,” anang Pangulo.

May option aniya ang mga senador na i-cite ng contempt ang mga hindi dadalo pero siya ang mag-uutos na huwag dumalo ang isang opisyal.

Binigyang-diin ng Presidente na magagawa niya ito bilang Presidente ng bansa lalo na kapag inaabuso na ang kapangyarihan sa paraan ng pag-iimbestiga.

Pinuna rin ni Pangulong Duterte na nanganak na ng ibang isyu ang imbestigasyon na ngayon ay ang tinutumbok ay isyu ng droga at si Michael Yang.

“With due respect to the Senate this time, ilang beses ninyo pinapatawag yung mga cabinet members and umabot na kayo from the purchase, procurement then down to itong Pharmally, now you are branching out to drugs issue,” dagdag ng Pangulo.

Hindi na aniya makapagtrabaho ang mga opisyal sa ehekutibo gaya ng mga taga Department of Health (DOH) dahil halos lahat ay ipinatawag sa Senado pero hindi naman maisalang lahat at nakokompromiso ang trabaho ng mga ito sa pagtugon sa COVID pandemic

“Itong senate hearing, we do not question the authority and the power of the Senate to investigate in aid of legislation, yan ang sinasabi nila. But nakita ko na pinapatawag ninyo almost so many persons and yet you are only able to put the resource for five-six, seven hours at yung iba naghihintay na wala namang silbi,” wika ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?