308

Dec 10, 2017 @ 16:33
By

Bagitong pulis nakursunadahan ng 3 tambay, 1 patay

“Ipinagtanggol ko lamang ang aking sarili”, ito ang ipinaliwanag ng isang baguhang pulis matapos makapatay ng isang lalaki na umano’y nakursunadahan siya habang papauwi na ng bahay Sabado ng gabi sa Barangay Maybunga, Pasig City.

Sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Eastern Police District Director Romulo Sapitula, nakilala ang bagitong pulis na si Police Officer 1 Lester Galong y Bali, nakatalaga sa PCP 4.

Batay sa report, pauwi na si Galong sa kanilang bahay bandang 11:30 kamakalawa ng gabi sakay ng kanyang motorsiklo nang harangin ng tatlong hindi pa nakikilalang suspek habang nasa Javier Bridge, Maybunga, Pasig City.

Nagawa umanong itulak ng isang suspek si Galong habang nakasakay ng motorsiklo kaya natumba siya. Agad itong tumayo at nagpakilalang pulis sa tatlong tambay na nangursunada sa kanya.

Agad namang umalis ang dalawang suspek matapos malaman na pulis pala ang kanilang nakasalamuha subalit hindi natinag ang isa at nakipambuno pa sa pulis at tinangka umanong agawin ang kanyang service firearm.

Ayon pa sa bagitong pulis, bumunot ang suspek ng balisong at doon na siya nagbigay ng warning shot subalit nanlaban pa umano ang suspek kaya pinaputukan na niya ito.

Dineklarang dead on the spot ang suspek makaraang dalhin pa ng mga nagrespondengPasig Rescue Team sa Pasig City General Hospital nang suriin ni Dr. EJ Agaid- Dalutag.

Kasalukuyang iniimbestigahan ang kaso ni PO1 Galong kung may naganap na foul play sa pagkakabaril niya sa suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?