259

Nov 7, 2017 @ 18:31
By

Bagitong pulis, arestado sa panunutok ng baril

Inaresto ang isang bagitong pulis ng kanyang mga kabaro matapos manutok ng baril sa tatlong menor de edad na sakay ng isang tricycle na kanyang nabunggo sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni PSSupt. Jemar Modequillo, ng Caloocan City Police, ganap umanong alas-siyete ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Ilang-Ilang St., Barangay 185, Malaria ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan umanong lulan ng pampasaherong tricycle ang mga biktimang sina Mike Gerald Cabrera, 17-anyos; Nelson delos Santos, 17, at John Paulo Castor, 16, na pawang mga residente ng Admite Site, Tala ng nasabi ring lungsod at binabaybay ang nasabing kalsada nang bigla na lamang silang bundulin ng suspek na si PO1 Gregorio Rollan na sakay naman ng isang motorsiklo.

Dahil sa lakas ng impact ay nagtamo ng pinsala sa kanyang kaliwang binti si Delos Santos na noo’y nakaangkas sa driver ng tricycle na siyang bahaging nabangga ng suspek.

Agad na humingi ng saklolo kay Rollan ang mga binatilyo upang mabilis na maisugod sana sa pinakamalapit na pagamutan si Delos Santos.

Ngunit sa halip na tulungan at humingi ng paumanhin sa mga ito ay siya pa ang nagalit, bumunot ng baril at saka tinutukan ang mga binatilyo at sinabi ang mga katagang “May reklamo kayo?!”

Agad nagtakbuhan ang mga biktima kung saan nakarating sa himpilan ng pulisya ang isa sa kanila at inireklamo ang pulis.

Sa ngayon ay nahaharap sa kasong administratibo ang suspek bukod pa sa reklamong reckless imprudence resulting in physical injuries. Kasalukuyan namang nagpapagaling si Delos Santos sa tinamong pinsala sa binti.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?