337

Nov 30, 2017 @ 18:30
By ,

Bading, tomboy sa QC sasalang sa HIV-AIDS test

Inatasan ni Quezon City Mayor Herbert Bautista ang City Pride Council na isama sa mandatory HIV-AIDS testing ang Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer or Questioning, and Intersex (LGBTQI) community members.

Sa kalagitnaan ng Pride Council meeting noong Martes ay binigyang-diin ni Mayor Bautista ang kahalagahan ng karapatan ng LGBTQI sector at ang pangangailangan na makabuo ng mga plano at programa na magpapatibay sa kanilang misyon at bisyon.

“Ang HIV testing dapat mandatory sa proyekto natin ‘yan. There is a strong rise of HIV in the Philippines particularly in Manila and more specifically in Quezon City. And HIV or AIDS ay nangyayari because of MSM or male having sex with male,” ayon kay Mayor Bautista.

Ayon pa sa alkalde, ang Quezon City ay may mga sundown clinics na partikular na pinapangalagaan ang mga indibiduwal na madaling kapitan ng sexually-transmitted diseases.

Ang sundown clinics ay ang Klinika Bernardo, Klinika Batasan, at Klinika Project 7. Ang mga pasilidad na ito ay nagbibigay ng counselling, libreng HIV testing diagnosis, at paggamot sa ibang sexually transmitted infections, edukasyon, pamamahagi at tamang paggamit ng mga condom, testing at vaccination para sa Hepatitis B, at anti-retro viral therapy.

Samantala, ang Klinika Bernardo rin umano na matatagpuan sa Barangay Pinagkaisahan ay nagbibigay ng libreng HIV testing.

“Dapat i-encourage ng mga leaders ng pride council ang people living with HIV, na huwag silang magtago kasi aalagan natin sila. Hindi alagaan na parang bini-baby, kundi maituring silang normal at matulungan sila sa kanilang pagpapagamot. They should not be pushed away, they should be encouraged to be part of the society,” dagdag pa ni Bautista.

Nabatid sa tala ng United Nations, ang Pilipinas ang may pinakamataas na HIV infection growth rate sa Asia Pacific na may 140% na pagtaas sa bilang ng impeksyon noong 2016.

At noong nakaraang taon ay nasa halos 10,500 na Pilipino ang nahawaan ng Human Immunodeficiency Virus (HIV), mas mataas sa 4,300 noong 2010, ayon sa Department of Health. (Dolly B. Cabreza/with trainee Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?