97
magdalo-gary-alejano
Jan 1, 2018 @ 12:56

Bad faith

By Gary Alejano

Kailan kaya magigising ang administrasyong Duterte sa tunay na sitwasyon sa West Philippine Sea (WPS)? Kailan kaya ito mamumulat na patuloy ang mga aktibidad ng China.

Ayon sa mga ekspertong tinututukan ang sitwasyon sa WPS, patuloy ang development na ginagawa ng China doon lalo na sa Subi Reef o Magsaysay Reef pero itinanggi ito ng administrasyon.

Ngunit mismong China na ang nagkumpirma na pinapalawak nila ang mga islang hawak nila at patuloy ang kanilang mga aktibidad doon. Nakabibinging pagtahimik naman ang narinig natin mula sa administrasyon pagkatapos ng kumpirmasyong ito.

Patuloy na dumedepende ang Malacanang sa “good faith” o sinseridad at pagiging totoo ng China. Ito ay kahit harap-harapan na ang agresyon ng China sa mga teritoryong dapat sana ay ating ipinagtatanggol natin lalo na ng Pangulo bilang pinakamataas na lider ng bansa.

Tungkulin ng ating Pangulo na ipagtanggol ang ating teritoryo lalo nang paburan ang Pilipinas sa kasong dinala natin sa United Nations Permanent Court of Arbitration laban sa China. Nakakadismaya na tila mismong ang Pangulo pa ang dahilan kung bakit lalong lumalakas ang China sa WPS dahil sa tiwala sa bansang nangako na magpapautang sa kanya.

Nakakaduda na tuloy ang pananahimik ng Pangulo sa isyung ito dahil harap-harapan na siyang iniisahan at pinagsasamantalahan ng China sa tiwalang binibigay sa kanila. Ibang-iba sa karakter na ipinakita niya sa mga Filipino noong panahon ng kampanya. Hindi maiwasang isipin na para bang binenta na ang ating mga teritory kapalit ng mga pangakong pautang ng China.

Iginigiit ni Duterte na wala tayong laban sa China kapag nagkagiyera. Hindi ito tamang katuwiran upang isuko na ang mga ginigiit nating teritoryo. Maraming mapayapang paraan upang ating ipaglaban ang ating mga teritoryo at maprotektahan ang ating mga kababayang apektado sa sitwasyong ito.

Nakita naman natin na nagtagumpay tayo laban sa China nang idaan ng nakaraang administrasyong Aquino sa legal na proseso ang ating karapatan sa ating teritoryo at hindi na isinangkot ang militar.

Ang sa atin, hindi dapat laging giyera o dahas ang pagtingin sa mga problema. Hindi ito dapat gamiting palusot sa pananahimik at tila pagiging sunud-sunuran sa China dahil may mga mapayapang paraan at instrumento upang igiit ang ating panig.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?