139

Jul 30, 2021 @ 18:44
By

Bacoor Mayor Lani nagpasaklolo sa DOH

Humingi ng saklolo si Bacoor, Cavite Mayor Lani Mercado-Revilla sa Department of Health (DOH) para madala sa isolation centers ang mga may direktang contact sa mga mamamayang positibo sa COVID-19.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ng alkalde na napupuno na ang isolation centers ng Bacoor pati na ang kanilang mga ospital dahil sa mabilis na pagtaas ng COVID cases.

“Napupuno na iyong aming isolation center sa Bacoor City at humingi na po kami ng tulong sa DOH IV-A at nakipag-ugnayan na rin sa Calamba para madala sa NTF isolation centers ang mga magpopositibo sa COVID tests,” ani Revilla.

Dahil aniya sa deklarasyon ng DOH na mayroong dalawang index Delta variant case sa Bacoor ay nagdeklara na ito nitong Biyernes ng madaling-araw ng GCQ “with heightened restrictions” sa buong Bacoor City.

“Nagdesisyon na po ang Task Force COVID-19 Bacoor na ito po ang gawin dahil medyo nakakaalarma po itong sitwasyon na ito, plus kami po ang una pang nagkaroon ng Delta variant sa lalawigan ng Cavite,” dagdag ni Mayor Revilla.

Sa ngayon, ayon sa alkalde, ay mayroon na silang naitalang 911 COVID cases kung saan napakabilis aniya ang pag-akyat ng kaso mula sa bilang na 51 kamakalawa ay biglang naging 92 nitong July 29, 2021.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?