168

Oct 7, 2018 @ 17:47
By

Backpack na may P.2M marijuana, iniwan sa Araneta

Isinauli ng security personnel ng Araneta Cubao Central Business District ang umaabot sa P200,000.00 halaga ng marijuana na nakasilid sa backpack at itinapon sa kanilang basurahan sa Cubao, Quezon City.

Batay sa report kay Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Chief Superintendent Joselito T Esquivel Jr., dakong alas-11:00 ng gabi (October 6), nang madiskubre ang nasabing halaga ng marijuana sa Roxas Times Square sa Araneta Center, sa Brgy. Socorro, Cubao.

Nagsasagawa umano ng pagroronda ang security guard na si Jessie Atis nang mapansin niya ang backpack na isiniksik sa bukas na garbage bin.

Agad niyang binuksan ang laman ng backpack at doon ay nadiskubre niyang naglalaman ng tatlong nakarolyong plastic na nakabalot at isang ‘brick plastic wrap’ ng pinatuyong dahon ng marijuana at mga buto nito na tinatayang nasa dalawang kilo.

Mabilis namang ipinagbigay-alam ni Atis sa kanilang security officer na si Randy Aluria ng Araneta Center ang kanyang natagpuang marijuana na siya namang nag-turn over sa Cubao Police Station (PS 7) na pinamumunuan ni PSupt Giovanni Hycenth Caliao.

Masusi nang iniimbestigahan ngayon ng pulisya upang alamin kung sino ang nag-iwan ng backpack sa basurahan ng Araneta Shopping Center sa pamamagitan ng CCTV.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?