157

By

Baby Alas nina Kylie at Aljur, inalayan ng ‘Aqiqah’ ni Robin

Sharing is caring!

Hindi lang ang anak niyang si Maria Isabella Padilla ang binigyan ng Aqiqah ni Robin Padilla, isang tradisyon ng paraan ng pagbibinyag sa isang bata o sanggol, kundi maging ang kanyang apo na si Alas, na anak nina Kylie Padilla at Aljur Abrenica.

Nakasaad sa posting ni Robin sa kanyang Instagram wall na hindi lang si Isabella ang pinagpatayan niya ng baka kundi ang apo niya sa anak na si Kylie.

Mababasa ang message caption ni Robin tungkol sa Aqiqah kay Alas, sa pinoste nitong ilang larawan sa kanyang IG kung saan makikitang ginugupitan sa likod si Isabella, ang isang baka na may pangalan ng bata at ang dalawang baka na may nakasulat na pangalang ‘Alas Joaquin Padilla Abrenica’, at ang supot na naglalaman ng karne na hawak-hawak ng isang babaeng may kargang bata.

Sabi ni Robin sa caption, isang baka ang ipinakatay niya para kay Isabella at ang dalawa naman ay para sa apo niya. Ginanap ang seremonya sa Marawi at ang karne ng mga ito ay ipinamahagi niya sa mga tao sa evacuation center.

@robinhoodpadilla, “Mula sa Marawi ay ginanap ang pagkatay ng 1 baka para kay Isabella at 2 para sa Apo ko na si Alas, ayon kay Imam Bedejim Abdullah, 2 sa lalake at 1 sa babae Alhamdullah, naipamigay ang mga karne sa 2 evacuation center sa tulong ni sister Nahda Kahbata ng LKF at ng mga balik Islam volunteers. Ginanap ang Dua, paggupit ng buhok at maiksing dawah namin sa Malacañang Golf Park,” at saka sinabi nitong malaki ang respeto ng mga Muslim sa kung ano ang gustong yakapin ang anumang relihiyon ng sinuman.

Ipinagdiinan ni Robin na malaki ang respeto nila sa mga Kristiyano at silang mga Muslim ay ‘di gagamit ng dahas para ipilit ang kanilang relihiyon.

Wala kaming ideya kung may approval ba nina Kylie at Aljur ang paggawa ng Aqiqah sa kanilang anak dahil wala sa posting ninuman sa dalawa ng anumang may kinalaman sa seremonya.

Maaaring hindi na kailangan ng approval nina Kylie at Aljur dahil ang Aqiqah ay parang well-wishing ng sinumang kaanak sa paniniwalang maliligtas ang sanggol sa anumang pinsala matapos isagawa ang Aqiqah. (Rey Pumaloy)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?