80

Nov 7, 2019 @ 18:39
By

Babuyan ng mga Gokongwei delikado sa ASF

Nanganganib na tamaan ng African Swine Fever (ASF) ang Robina Farms ng mga Gokongwei dahil dalawa sa mga farm nito ay nasa lugar na tinamaan na ng sakit.

Ayon sa follow up report No. 2 ng Pilipinas sa OIE o World Animal Health Organization na isinumite nung November 4, tinamaan na ng ASF ang bayan ng Bustos sa Bulacan kung saan matatagpuan ang satellite farm ng Robina Farms.

Una nang tinamaan ng ASF ang Antipolo sa Rizal kung saan may feeder farm ang Robina Farms.

Ang feeder farm ay kung saan inaalagaan ang mga biik bago ito dalhin sa satellite farm para patabain at palakihin bago katayin. Ang isa pang feeder farm ng Robina ay nasa San Miguel, Bulacan na wala pa namang napabalitang outbreak ng ASF.

Ang pinakamalaking satellite farm ng Robina Farms ay nasa Bustos, Bulacan at ito ay may kapasidad na mag-alaga ng 50,000 baboy. Nasa Barangay Malamig ang satellite farm na siyang tinukoy ng Department of Agriculture na tinamaan ng ASF.

Maliit na bayan ang Bustos at ito ay may 14 na barangay na sumasakop ng 70 square kilometers.

Sa isang statement, sinabi ng Robina farms na ang mga babuyan at facilities nito, pati na ang kanilang mga produkto, ay ligtas at walang ASF.

Tiniyak din ng kompanya na sarili nitong baboy ang ginagamit nito para sa kanilang mga processed meat, tulad ng tocino, bacon, at longganisa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?