97

Nov 5, 2019 @ 12:37
By

Baboy na pinatay dahil sa ASF higit 62K na

Lampas na sa 62,000 na baboy na pinatay sa Pilipinas simula nang tamaan ito ng African Swine Fever (ASF) noong Hulyo 25, 2019.

Ayon sa Oktubre 31 na ulat ng Food and Agriculture Organization (FAO), mahigit 62,000 na baboy sa 22 lugar sa pitong lalawigan at lungsod sa Luzon ang dumaan na sa culling.

Dagdag pa ng FAO, nagpositibo na rin sa ASF ang mga hand-carried na longganisa at iba pang pork product na kinumpiska sa Mindoro.

Nagpositibo rin sa ASF ang kinumpiskang baboy galing China ng Bureau of Customs.

China ang pinaghihinalaang pinanggalingan ng kauna-unahang kaso ng ASF sa bansa dahil sa dagsa ng mga Intsik na dumarating sa bansa simula nang umupo sa Malacanang si Pangulong Rodrigo Duterte, ngunit hindi pa natutukoy ng Department of Agriculture ang pinanggalingan ng kaunaunahang kaso ng ASF sa bansa.

Ayon sa FAO, may bago na namang outbreak ng ASF sa China, partikular na sa Donggua Township, Chuxiong City, at sa Chuxiong Yi Autonomous Prefecture.

Hindi malinaw ang mga detalyeng nilalabas ng Department of Agriculture tungkol sa ASF at hindi rin ito nagsusumite ng mga weekly follow-up report sa OIE o World Animal Health Organization.

Setyembre 9 unang inamin ng DA na tinamaan na ng ASF ang Pilipinas sa immediate notification nito para sa insidenteng nangyari noon pang Hulyo 25.

Ang unang follow-up report nito na dapat isinumite isang linggo matapos ang immediate notification ay Oktubre 30 lamang isinumite at wala pa ritong pag-amin tungkol sa mga naiulat na ASF sa Pampanga at Cavite.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?