134

Jun 30, 2019 @ 17:43
By

Babala sa publiko: Maging mapagbantay kasunod ng 2 pagsabog sa Sulu

Pinayuhan ng Department of National Defense (DND) ang publiko na patuloy na maging mapagbantay kasunod ng dalawang pagsabog sa tactical command post ng 1st Brigade Combat Team (IBCT) ng Philippine Army sa Barangay Kajatian, Indanan, Sulu na ikinasawi ng 8 katao kabilang ang 3 sundalo habang 22 naman ang nasugatan nitong Hunyo 28.

“The DND calls for continued vigilance in light of the recent bombings in Sulu which led to the very unfortunate loss of lives, both civilian and military. We extend our sympathies to the victims of this heinous act, and vow to hunt down those who are responsible,” pahayag ni DND spokesperson Arsenio Andolong sa statement na ipinadala sa media.

Idinagdag pa ni Andolong na ang naganap na pambobomba nitong Biyernes ay patunay lamang na kailangang magtulungan ang publiko at mga security agency ng bansa para labanan at pigilan ang mga violent extrimism sa komunidad at mapanatili ang kapayapaan sa bansa, partikular sa rehiyon ng Mindanao.

Gayunman ipinaalam ni Andolong sa publiko na nagsasagawa na ang gobyerno ng malalimang imbestigasyon sa nangyaring pag-atake at hindi titigil hanggang hindi napapanagot ang mga resonsable sa fatal bombing sa Sulu.

Samantala mariin namang kinondena ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Benjamin Madrigal Jr. ang nangyaring pambobomba na bumiktima hindi lamang sa mga sundalo na ang tanging layunin ay mapanatili ang katahimikan pati na rin sa mga inosenteng sibilyan na nasa lugar ng pagsabog na aniya’y isang kaduwagan.

Ginawa ni Madrigal ang pahayag kasunod ng pagbisita sa mga tropa ng IBCT kasama ang bagong comamander ng AFP-Western Mindanao Command na si MGen. Cirilito Sobejana para personal na alamin ang sitwayon maliban sa pagsasagawa ng ocular inspection.

Binisita rin at ginawaran ng Wounded Personal Medal ni Madrigal ang mga miyembro ng IBCT sa Camp Teodulfo Bautista Station Hospital sa Jolo, na nasugatan sa insidente.

Idinagdag pa ni Madrigal na hindi nasayang ang pagkamatay ng tatlong sundalo sa pagsabog dahil mas maraming buhay ang nailigtas nila nang ma-detect at mapigilan ang unang suspek sa pambobomba na makapasok sa loob ng kampo habang nagawa rin nilang ma-neutralisa ang pangalawang suspek bago pa man makapasok sa lugar ng pagsabog bagamat nagawa pa rin nitong ma-detonate ang dalang bomba na ikinasugat ng iba pa.

Nagpahayag din ng pakkikiramay ang AFP sa mga kaanak ng mga nasawing sundalo at sibilyan kasabay ang pangako sa mga sugatan na bibigyan ng sapat na pangangalaga at tulong medikal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?