10

Apr 22, 2021 @ 16:04
By

Babala ng USA sa pagbiyahe sa ‘Pinas, gets ng Palasyo

Walang epekto sa Pilipinas ang travel warning ng Estados Unidos sa kanilang mamamayan na huwag munang bumisita sa bansa dahil sa posibilidad na mahawa sa COVID-19.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na naiintindihan ng Palasyo ang travel warning ng Amerika dahil nagpapatuloy ang pandemya kaya karapatan nilang bigyang-babala ang kanilang mamamayan bilang pag-iingat.

Wala pa aniyang pinapapasok na mga dayuhan sa Pilipinas dahil iniiwasan ng gobyerno na makarating sa bansa ang iba pang COVID variants na kumakalat ngayon sa ibang mga bansa .

“Wala pong ibig sabihin iyan. Naiintindihan po natin yan, habang patuloy ang pandemya eh entitled naman po ang mga bansa na mag-warn sa kanilang national,” ani Roque.

Hanggang sa kasalukuyan ay umiiral ang pagbabawal sa sinumang dayuhan na pumasok sa Pilipinas maliban sa mga may hawak ng business visa at mga diplomat.

“Hanggang ngayon, hanggang Abril 30 po hindi tayo tumatanggap ng mga dayuhan dito sa Pilipinas,” dagdag ni Roque.

Ang travel warning ng Amerika ay bunsod ng naitalang mataas na kaso ng COVID-19 sa Pilipinas simula noong buwan ng Marso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?