316

Oct 27, 2017 @ 15:24

Babala ng FDA: Mga doktor, bawal magbenta ng gamot

Binalaan ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko sa pagbili ng mga gamot sa mga doctor, klinika at iba pang pasilidad-pangkalusugan.

Ayon sa FDA ang pagbebenta ng gamot ay ekslusibong trabaho lang ng isang licensed pharmacist at ang anuman establismento na nagbebenta ng droga ay kinakailangan may license to operate o authorization mula sa ahensiya base sa Republic Act 9711.

Base pa sa inilabas na abiso ng ahensiya may mga doctor na bumibili, nagtatago, nag-aalok o nagbebenta ng gamot sa kanilang mga pasyente.

Nabatid na ang mga doctor na gumagawa nito na walang authorization sa FDA ay nilalabag ang Republic Act 3720 at kung walang gabay ng isang pharmacist ay nilalabag naman ang Republic Act 10918.

Bukod pa dito, ang hindi nila pagbibigay ng resibo ay paglabag din sa umiiral na batas sa pagnenegosyo.

Hinihikayat ng FDA ang mga lokal na pamahalaan na tiyakin na walang mga hindi awtorisadong indibiduwal o establismento sa kanilang lugar ang nagbebenta ng gamot. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?