69

Dec 13, 2017 @ 14:15
By

Babaeng recruiter ng Maute-ISIS, kinasuhan ng rebelyon

Sinampahan na ng Department of Justice (DOJ) ng kasong rebelyon ang babaeng umano’y recruiter ng mga foreign fighter para sumama sa pakikidigma sa Marawi City noong kasagsagan pa ng krisis sa lungsod na pinasimulan ng Maute-ISIS Group.

Sa resolusyon ng DOJ na aprubado ni Acting Prosecutor General Jorge Catalan, si Karen Hamidon ay ipinagharap ng 295 na bilang ng kasong paglabag sa Article 138 ng Revised Penal Code o inciting a rebellion, in relation to Section 6 ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act.

Si Hamidon ay naaresto noong Oktubre ng National Bureau of Investigation (NBI) sa loob ng kanyang condominium unit sa Bonifacio Global City sa Lungsod ng Taguig.

Sa reklamo ng NBI, si Hamidon ay nagrerecruit umano ng mga foreign fighter sa pamamagitan ng online messaging application na WhatsApp at Telegram.

Ayon sa DOJ, ang depensa ni Hamidon na hindi nakapangalan sa kanya ang social media post na nakita sa kanyang cellphone ay mas akmang ilahad sa full-blown trial.

Mas binigyan din ng DOJ ng bigat ang “presumption of regularity” sa panig ng mga myembro ng NBI na umaresto kay Hamidon.

“The presumption prevails that the complainants (NBI) regularly performed their official duties and ordinary course of business has been followed,” nakasaad sa resolusyon ng DOJ.

Nauna nang tinukoy ng NBI na si Hamidon ay byuda ni Mohammad Jaafar Maguid na dating pinuno ng Ansar Khalifa Philippines na grupong nasa likod ng pagsabog ng Davao City night market noong Setyembre ng nakaraang taon.

Dati rin siyang asawa ni Muhammad Shamin Mohammed Sidek, isang Singaporean na nakakulong dahil sa kaugnayan sa Islamic State. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?