31

Oct 14, 2021 @ 17:25
By

Babaeng parak ilagay sa checkpoint – solon

Iminungkahi ng isang kongresista ang pagtatalaga ng mga babaeng pulis sa mga police checkpoint upang mapigilan umano ang “sexual ambush” sa mga babae.

Kung maaari, sinabi ni House Strategic Intelligence committee chairperson at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na ang italagang lider sa mga checkpoint ay babae.

Ang mga babaeng pulis din umano ang dapat na humarap sa mga babaeng pinapara sa mga checkpoint. Nasa 17% ng mga pulis sa bansa ay babae.

Ginawa ni Pimentel ang pahayag matapos na akusahan si Staff Sgt. Robin Manganga ng panggagahasa sa isang babae na pinara sa checkpoint sa Mabalacat, Pampanga noong Oktobre 8.

“Camp Crame has to put a stop to these horrible police abuses against helpless girls and young women,” dagdag pa ni Pimentel.

Noong Agosto ay inakusahan si Patrolman Elmer Tuazon Jr. ng panggagahasa sa isang 19-anyos na babae na pinara sa checkpoint sa Mariveles, Bataan.

Noong Oktobre 2020 ay inakusahan naman si Lt. Jimmy Fegcan ng panggagahasa sa isang 24-anyos na babae na hinuli sa checkpoint sa San Miguel, Bulacan dahil sa paglabag sa curfew at kawalan ng quarantine pass.

Noong Hunyo 2020, sina Staff Sergeants Randy Ramos at Marawi Torda ay inakusahan naman ng panghahalay sa 15-anyos at 18-taong gulang na pinsan nito sa Cabugao, Ilocos Sur.

Ang 15-anyos ay pinagbabaril ng riding-in tandem habang papauwi galing sa presinto makalipas ang ilang araw.

Itinutulak ni Pimentel ang panukala na naglalaan sa mga babae ng 20% ng taunang recruitment quota ng PNP. (Billy Begas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?