85
Babae sinaksak ng BBQ stick sa mukha ng holdaper
By

Babae sinaksak ng BBQ stick sa mukha ng holdaper

Balik-selda ang isang kalalaya lamang na inmate mula sa Quezon City Jail matapos na kuyugin ng taumbayan nang holdapin nito at saksakin sa mukha ang isang babae kagabi, Pebrero 18.

Sa nakarating na ulat mula kay NCRPO Director Guillermo Lorenzo Eleazar Jr., nakilala ang suspek na si Mark Reyes, 26, resisdente ng No. 35 Urlina St., Barangay Alangan, Bataan.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-10:00 ng gabi nang holdapin ng suspek ang biktima na itinago sa pangalang “Lily”, 23, sa EDSA northbound malapit sa GMA MRT station.

Tinutukan umano ng barbecue stick ni Reyes ang biktima at sapilitan na kinuha nito ang cellphone at P500 cash.

Hinipuan din sa maseselang bahagi ng katawan ang dalaga dahilan upang manlaban ito at saksakin naman siya ng suspek sa mukha bago tumakas.

Nagsisisigaw ang biktima at humingi ng tulong sa mga nakaistambay sa lugar na siyang humabol at humarang sa papatakas na suspek.

Nang makorner ay dito na pinagtulungan ng taumbayan at ginulpi ang suspek.

Naawat lamang ang pambubugbog nang dumating ang kapulisan.

Nabatid na halos dalawang oras pa lamang na lumaya ang suspek at nagawa lamang daw niya na mangholdap dahil wala itong pamasahe pauwi sa kanilang bahay sa Bataan.

Agad namang nilapatan ng lunas sa kalapit na ospital ang saksak sa mukha ng biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?