35
views
shabu20
By

Babae nagwala sa highway, nahulihan ng shabu, arestado

Sharing is caring!

Dinakip ng mga awtoridad ang isang babae na bigla na lang nagwala sa kalsada at pinagmumura ang bawat nakakasalubong matapos itong makumpiskahan ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu sa Caloocan City kaninang umaga.

Sa ulat ng Caloocan City Police Community Precinct IV, alas-siyete ng umaga nangyari ang insidente sa kahabaan ng Quirino Highway, Barangay 185, Malaria ng nasabing lungsod.

Nagsasagawa ng anti-criminality patrolling ang mga tauhan ng nasabing himpilan nang pagtapat sa Savemore Supermarket ng nasabing lugar ay namataan nila si Jezyl Zerna, 39-anyos, dalaga, walang hanapbuhay at residente ng Pangarap Village ng nasabing lungsod, na nagwawala.

Nilapitan ito ng pulisya upang awatin sa pag-eeskandalo ngunit sa halip na tumigil ay lalo pa itong nagwala.

Dito na siya inaresto ng mga awtoridad kung saan ay nakuha sa kanya ang isang heat-sealed transparent sachet ng hinihinalang shabu.

Sa himpilan ng pulisya nadiskubre na kasama ang suspek sa listahan ng mga baguhang drug personalities sa nasabing barangay.

Nakatakda na itong sampahan ng mga kasong paglabag sa Article 155, RPC o Alarm and Scandal at Section 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?