1,339

Sep 30, 2019 @ 16:32
By

Babae inatake sa loob ng motel, patay

Patay ang isang babae matapos atakihin ng ubo at mahirapang huminga habang nasa loob ng isang motel kasama ang kanyang nobyo, Linggo ng hapon sa Pasig City.

Nakuha pang isugod sa St. Camilus Hospital ang biktimang si Maybel Antonino, 28, guess relation officer (GRO) subalit idineklara na itong dead on arrival ng sumuring doktor.

Sa ulat na ipinadala ni Pasig City Police Chief Police Colonel Moises Villaceran sa Eastern Police District (EPD), alas-12:08 ng tanghali noong Setyembre 29 nang pumasok sa Sogo Hotel sa Marcos Highway, Barangay Santolan ang biktima kasama ang boyfriend na si Romnick Matriano.

Subalit alas-4:20 ng hapon nang humahangos na lumabas ng kuwarto si Matriano upang humingi ng tulong sa mga room attendant ng hotel dahil bigla na lang sinumpong ng walang tigil na ubo at pananakit ng dibdib ang biktima hanggang sa mawalan ito ng malay.

Mabilis namang isinugod ang biktima sa nasabing pagamutan subalit idineklara na itong dead on arrival ng sumuring doktor.

Sa ginawang examination sa bangkay ng biktima, walang nakitang external injuries ang mga doktor na sumuri dito pero napag-alaman na mayroong ubo at thyroid cyst ang biktima.

Sa ngayon ay hinihintay pa ang resulta ng awtopisya sa bangkay ng biktima upang malaman kung ano ang tunay na ikinamatay nito. (Edwin Balasa)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?