15,202
Babae hinalay, pinatay sa Rizal
Jul 1, 2019 @ 13:48
By

Babae hinalay, pinatay sa Rizal

Pinaniniwalaang ginahasa muna bago pinaslang ang isang 35-anyos na babae ng hindi pa kilalang suspek matapos na matagpuan itong wala nang buhay sa loob ng kanyang kuwarto Linggo ng hapon sa Cardona, Rizal.

May mga saksak sa katawan at walang saplot pang-ibaba nang matagpuan ang bangkay ng biktimang si Lorilyn delos Santos, 35, na nakahandusay sa kama sa loob ng kuwarto nito sa Purok 1 Tancingco St., Barangay Patunhay ng nasabing bayan.

Base sa ulat ng pulisya, alas-4:40 ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang kuwarto ni Peewee Belgica, 36, babae, kaya personal itong nagtungo sa himpilan ng pulisya upang iulat ang krimen.

Agad namang rumesponde ang pulisya sa lugar ng insidente at doon nila inabutan ang biktima na naliligo sa sariling dugo dahil sa mga saksak sa katawan habang nakahandusay sa kanyang kama.

Nakita rin ang isang kitchen knife na puno ng dugo na pinaniniwalaang ginamit ng hindi pa kilalang suspek sa pagpatay dito.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na base sa itsura ng bangkay ng biktima, posibleng ginahasa muna ito bago pinatay.

Sa ngayon ay isinailalim sa awtopsiya ang bangkay ng suspek habang patuloy ang imbestigasyon hinggil sa krimen.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?