33

Nov 19, 2021 @ 18:29
By

Ayungin Shoal hindi ipapaagaw sa China

Hindi papayagan ng gobyerno na maagaw ng ibang bansa, partikular ng China, ang Ayungin Shoal na pag-aari ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ito ang tiniyak ni acting Presidential Spokesman Karlo Nograles matapos ang panibagong insidente ng pangha-harass ng Chinese Coast Guard sa barko ng gobyerno na maghahatid sana ng supply ng mga sundalo sa Ayungin Shoal.

Binira umano ng water cannon ng Chinese Coast Guard ang barko ng gobyerno habang patungo sa Ayungin Shoal at hinarangan ang daraanan ng sasakyang pandagat ng gobyerno.

Sinabi ni Nograles na hindi iiwanan ng mga tropa ng gobyerno ang lugar at gagawin ang lahat para makarating ang supplies sa mga Pilipinong nasa Ayungin Shoal.

“Walang abandonment na mangyayari diyan, patuloy pa rin at itutuloy natin at gagawin namin ang lahat at ang nararapat para makarating ang mga supplies doon para sa ating mga kapwa Pilipino na nandoon,” ani Nograles.

Binigyang-diin ng kalihim na igigiit ng gobyerno ang soberanya at hurisdiksiyon sa Ayungin Shoal at lahat ng teritoryo ng Pilipinas, kasama na ang exclusive economic zone (EEZ).

“We will continue to assert our sovereignty and our sovereign rights, our jurisdiction over Ayungin Shoal and all other territories within our jurisdiction including our EEZ,” dagdag ni Nograles.

Suportado aniya ng Palasyo ang mga aksiyon ng Department of Foreign Affairs at kumpiyansang gagawin ng DFA ang mga nararapat na aksiyon laban sa ginawa ng China.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?