19

Jun 4, 2020 @ 11:14
By

Ayuda sa mga doktor, nars na nagka-COVID, tax-free

Matapos mabunyag na wala pang health worker na nahawa o namatay sa COVID-19 ang nakatanggap ng kompensasyon alinsunod sa Bayanihan Act, inamiyendahan ng mga senador ang batas para mapabilis ang pagbigay ng cash aid at ma-exempt ang mga ito sa buwis.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, isang bagong probisyon ng Senate version ng panukala para sa pag-extend ng validity ng Bayanihan Act ang nag-oobligang bayaran ang kompensasyon nang ‘di tatagal sa 90 araw matapos ang petsa ng confinement o pagkamatay ng isang health worker.

“We are imposing a deadline. Its release should not be at the mercy of red tape,” pahayag ni Recto sa kanyang amendment.

Sa ilalim ng kasalukuyang Bayanihan Act, ang mga public at private health worker na nagkasakit dahil sa novel coronavirus ay makatatanggap ng kompensasyon na P100,000 bukod pa sa libreng pagpapaospital at paggamot nito.

Para naman sa mga namatay, ang kanilang benepisyaryo ay makakatanggap ng P1 milyon bilang kompensasyon.

Ayon kay Recto, sa ilalim ng panukalang “Bayanihan Act II”, ang lahat ng death at sickness compensation ay exempted sa lahat ng buwis sa ilalim ng National Internal Revenue Code.

“The taxman should not have a share of the state’s monetary thank you to these heroes,” sabi ni Recto.

“‘Yung mga pabuya nga sa mga atletang nagkamedalya walang buwis, ito pa kayang para sa mga totoong nagbuwis-buhay?” dagdag nito.

Sa kasalukuyan, 32 healthcare worker na ang namatay sa COVID-19. Sa naturang bilang, 26 ay mga doktor, apat ang nurse at dalawa naman ang non-medical staff.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?