180
magdalo-gary-alejano
Feb 22, 2018 @ 13:40
By

Ayuda sa agrikultura kulang na kulang

Huwag na tayong magtaka kung paulit-ulit na lamang ang problema sa kakulangan ng bigas lalo na ang supply ng National Food Authority (NFA) na tanging pag-asa ng mga ordinaryong mamamayan dahil sa murang presyo nito.

Kung tatanungin mo ang mga magsasaka kung ano ang tulong ng gobyerno sa kanila, ang karaniwan nilang sagot ay “wala” maliban sa libreng irrigation fees na kakaimplementa pa lamang.

Walang ayuda ang gobyerno sa binhi, gayundin sa abono na pamahal ng pamahal ang presyo. Kaya naman ang takbuhan ng halos lahat ng magsasaka ay mga negosyante.

Ang karaniwang usapan, kapag ang isang negosyante ang nagpautang na may tubo, sa kanya ibebenta ang ani ng magsasaka sa ayaw at sa gusto niyo. At kapag nagkwentahan na, kasama sa ibabawas ang prinsipal at tubo ng inutang.

Bakit ito nangyayari? Dahil hindi basta-basta nagpapautang ang gobyerno kaya sa mga negosyante na siya ring middlemen sa mga agricultural product tumatakbo ang mga magsasaka.

Bumababa din ang presyo ng mga ani kapag panahon ng anihan dahil ang mga negosyante na ang nagdidikta ng presyuhan imbes na ang gobyerno. Ikinakatuwiran, maraming supply kaya mura ang presyo.

Saka lang tumataas ang presyo ng palay kapag hawak na ng mga middlemen ang ani ng mga magsasaka at hindi na panahon ng anihan kaya ang mga negosyante lang ang yumayaman at hindi ang mga nagbubungkal.

Wala ring post-harvest facilities na matagal nang ipinangako ng gobyerno sa mga magsasaka kaya kapag nataon sa panahon ng ulan ang anihan, pikit matang ibinebenta ng mga magsasaka ang kanilang ani sa mas murang halaga imbes na mabulok.

Diyan kumikita o tumitiba ng husto ang mga negosyante dahil mayroon silang sariling drying facilities. Halimbawa, ang presyo sa merkado ay P17 kada kilo ng palay sa panahon ng anihan, P13 hanggang P14 ang presyuhan ng bawat kilo ng palay na hindi pa naibibilad at kung nabilad man, babaratin din lalo na kung hindi maganda ang pagkakabilad sa mga kalsada dahil durog.

Kung talagang gusto ng gobyerno na tulungan ang mga magsasaka, magtayo ng drying facilities sa bawat barangay. May mga drying facilities naman ang ilang barangay pero itinatayo daw sa properties ng barangay officials kaya hindi mapakinabangan ng lahat.

Walang NFA na bumibili ng diretso sa mga magsasaka para mas mahal maibenta ang kanilang ani kaya halos lahat ng mga produkto ay hawak ng mga malalaking negosyante. Ngayon, magtataka pa ba kayo na mauubusan ng supply ang NFA at mawalan ng abot-kayang bigas ang mga karaniwang mamamayan?

Kung hindi babaguhin ng gobyerno ang kanilang sistema at seseryosohin ang pagtulong sa mga magsasaka mula sa binhi, abono hanggang sa pagbili ng ani ay magkukulang talaga ang supply ng NFA dahil hawak ng mga middlemen ang mga bigas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?