tnt_hontiveros
By

Ayuda Para Sa Mga PWDs

Sharing is caring!

Dear Senator Risa,

Kahit po mahirap ang buhay ng katulad kong may kapansanan, pinipilit kong bumangon sa umaga upang maghanap-buhay para sa aking pamilya. Sana po ay matulungan ninyo ang mga katulad kong persons with disabilities (PWDs) upang mas maiangat po ang antas ng aming pamumuhay.

Michael Santos

Tanza, Cavite

*****

Dear Michael,

Isa sa mga prayoridad ko bilang mambabatas ay ang bigyan ng mas maayos at kapaki-pakinabang na ayuda ang mga kababayan nating may kapansanan o ang mga persons with disabilities (PWDs). Noong nakaraang taon ay na nai-file ko sa Senado ang Mandatory PhilHealth Coverage for PWDs (SBN 377).

Sa pamamagitan nito, nais nating automatic na ma-cover ang mga kababayan nating PWDs sa ilalim ng PhilHealth program ng ating gobyerno. Ibig sabihin, katulad ng sa mga senior citizens natin, hindi na kailangang magbayad pa ng buwanang hulog sa PhilHealth ang ating mga kababayang PWDs. Pag PWD ka, automatic member ka dapat agad ng PhilHealth. Ipaglalaban natin ang pagpasa ng panukalang ito sa Senado sa pagbubukas ng aming sesyon ngayong buwan na ito.

Sa aking pananaw, ang ating mga PWDs ay nangangailangan ng mas makabuluhang ayuda mula sa ating gobyerno. Hindi naman lingid sa ating lahat ang hirap na dinaranas ng mga kababayan nating PWDs sa aspeto ng paghahanap ng trabaho, maging sa pagpasok sa paaralan hanggang kung sila ay magkakasakit. Ang mga may kapansanan ay nahaharap sa dobleng pagsubok kapag nagkakasakit. Mas doble ang hirap kapag ikaw ay may kapansanan na at nagkasakit pa. Ito ay lalo na sa mga PWDs nating mga kababayan na mahihirap.

Ang hiling natin ay walang maiiwan sa usapin ng kalusugan. Hindi dapat kinakalimutan at iniiwan sa ere ang mga PWDs. Sa panukalang ito ay ating iminumungkahi na ang pondo para sa insurance ng mga PWDs ay magmula sa sin tax collection ng pamahalaan. Nakapaghain na po kami ng Committee Report No. 53 sa Senado at sana ay maipasa naming ito sa lalong madaling panahon.

Sa panukalang ito, palalawakin natin ang kasalukuyang binibigay na ayuda ng Magna Carta for Persons with Disabilities. Kapag awtomatikong na-cover na ang mga ating mga kababayang PWDs, makakasiguro na kapag sila ay nagkasakit at naospital, babayaran ng PhilHealth, partial man o kabuuan, ang kanilang mga kinailangang serbisyong medikal.

Bukod pa dito ay aatasan ang PhilHealth na magkaroon ng mga tinatawag na “exclusive packages” para sa mga PWDs kung saan ikokonsidera ang iba pa nilang pangangailangan.

Isa ito sa mga panukalang batas na dapat noon pa naipasa. Alang-alang sa mga Pilipinong may kapansanan, ako ay nanawagan sa aking mga kasama sa senado na suportahan ang pagpasa ng importanteng batas na ito.

*****

Sa mga nagnanais na magpadala ng katanungang pangkalusugan at pangkababaihan kay Senator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa itanongkayrisa@gmail.com.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?