246

Jul 30, 2021 @ 13:31
By

Ayuda para sa mga maaapektuhan ng ECQ sa NCR hinahanapan na ng pondo

May matatanggap na ayuda mula sa gobyerno ang mga taga-Metro Manila kasunod ng nakatakdang pagsailalim sa enhanced community quarantine status ng buong National Capital Region sa August 6-20 , 2021.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang ayuda ay kagaya rin ng ibinigay ng gobyerno sa apat na lugar na may ECQ sa Visayas at Mindanao.

“Well , inaasahan natin na kapareho yan nung binahagi nung huling ECQ at saka yung ibinigay din sa mga mamamayan ng Iloilo at saka ng Cagayan de Oro at Gingoog. So one thousand kada tao hanggang maximum of four,” ani Roque.

Nakausap na aniya nito si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado patungkol sa ayuda at hinahanapan na ito ng pondo para agad na matulungan ang mga taga-Metro Manila.

“Ang hinihingi ko na lamang ay kumpirmasyon pero nakausap ko naman po si Secretary Wendell Avisado at ang sabi nya sa akin hahanapan at hahanapan natin yan dahil ang Presidente hindi pumapayag na mag-ECQ na walang ayuda sa mamamayan,” dagdag ni Roque.

Wala aniyang dahilan para mag-panic sa ipatutupad na mahigpit na quarantine classification dahil mayroong isang linggong paghahanda para sa lahat ng sektor na maaapektuhan ng ECQ?

“Kaya nga minabuti na natin na magkaroon ng panahon para paghahanda para lahat, sa gobyerno, sa mga mamamayan at sa mga negosyong maaapektuhan,” wika ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?