14

Sep 9, 2020 @ 15:52
By

Ayuda ‘di kasama sa panukalang 2021 budget – DBM

Inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) na walang inilaang pondo para sa social amelioration program (SAP) o mas kilala sa tawag na “ayuda” sa ilalim ng panukalang P4.5 trilyong national budget para sa 2021.

Sa budget hearing sa Senado, tinanong ni Minority Leader Franklin Drilon si Budget Secretary Wendel Avisado kung bakit walang inilaang emergency cash aid gayong inaasahang dadami ang maghihirap dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Paliwanag naman Avisado, tuloy-tuloy naman ang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagbibigay ng tulong sa mga mahihirap na pamilyang Pinoy tulad ng 4Ps kaya’t hindi na sila naglaan ng pondo para rito.

“We’re looking at the improvement in the economy and the opportunity for people to be able to work already and we still have the regular programs, the 4Ps that will be continued,” ani Avisado.

Ayon pa sa kalihim, ang P200 bilyong pondo sa SAP sa ilalim ng Bayanihan 1 law kung nagbenepisyo ang 18 milyong pamilyang Pinoy at panibagong P6 bilyon sa ilalim naman ng Bayanihan 2 ay ipinamahagi sa panahon ng lockdown kung saan karamihan ay naapektuhan ang kanilang trabaho.

“For next year, we’re hoping that we can go back to the regular programs of DSWD. That is the reason why there is no provision for SAP for next year,” ayon kay Avisado.

Sa kabila ng paliwanag ng kalihim, sinabi ni Drilon na kanyang namang bubusisiin ang pondo ng DSWD para sa 2021.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?