90

Nov 29, 2017 @ 16:46
By

Ayoko sa revolutionary gov’t – Duterte

Hindi pa man naikasa ang mga rally para hilingin kay Pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara ng revolutionary government ay tinabla na agad ito ng Presidente.

Sinabi ng Pangulo na may pangangailangan ng radikal na pagbabago sa gobyerno dahil na rin sa talamak na problema ng korapsyon pero hindi sagot aniya dito ang revolutionary government.

Hindi aniya nakikinig nang maayos sa kanyang mga naging pahayag at pinuputol kaya iba ang pagkakaintindi rito.

Binigyang-diin ni Pangulong Duterte na kung palubog na ang bansa ay baka mapilitan siyang magdeklara ng revolutionary government pero kung hindi naman kailangan ay hindi niya gagawin ito.

Ayon sa Punong Ehekutibo, hindi siya naghahanap ng sakit ng ulo para tumugon sa panawagan ng iba’t ibang grupo.

“We need a radical change in government. We did not go into a revolutionary government. I do not want it. Only when everyhing is turning upside down, maybe. Hindi nakikinig ang mga g*** eh. Pinuputol nila. Sabi ko, only when the ship of state is about to — sinking ship na — maybe I’ll be forced to — sabi ko if the red fighters will be here to fight it out with the — pero unless that is a very extreme measure. Para sabihin mong mag-declare ng — bakit ako maghahanap ng sakit ng ulo? Istorya mo lang ‘yan, maniwala pala kayo? Sus maryosep!” ang pahayag ng Pangulo.

Nakakasa na ang mga pro-Dutere rally sa mismong araw ng Bonifacio Day para hilingin sa Pangulo na magdeklara ng revolutionary government.

Pero sinabi naman ni Presidential Spokesman Harry Roque na malalaman sa Huwebes, Nobyembre 30 kung merong revolutionary government o wala, pero sa tingin aniya nito ay wala talaga. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?