165

Jul 17, 2018 @ 23:01
By

Ayaw pang sumuko, Compton, Aces sasagupa hanggang dulo

Nanganganib nang mawalis ang Alaska sa PBA Commissioner’s Cup semifinals, pero ayaw pang isuko ni coach Alex Compton ang laban.

Katunayan, pinuri pa ni Compton ang kanyang Aces na lumaban kahit walang Calvin Abueva (indefinite suspension) at Chris Banchero (personal matters).

Lunes ng gabi sa Smart Araneta Coliseum ay tumukod ang Alaska 105-94 sa San Miguel Beer. Kinapos din ang Aces 92-79 sa Game 1 noong July 14.

“We didn’t come out on top but I’m not ashamed of our effort,” bulalas ni Compton.

Pati ang SMB bench ay sumaludo sa ipinakitang laro ng Alaska.

“Comments I got from shaking hands at the line was, “Man, you guys played so hard,’” dagdag ni Compton.

Iniupo ni Compton ang kamador niyang si Vic Manuel bago ang halftime dahil nakakuha agad ng tatlong fouls, pero nagawa pang umagwat ng Aces 41-25.

Pero pagbalik mula sa break, hindi napigil ng Alaska sina Renaldo Balkman at June Mar Fajardo. Kapag nagdo-double team sila, may naiiwang shooter ng SMB na bukas. Sa dulo, naubusan na ang Aces.

Walang masabi si Compton sa mga bataan niyang rumesponde, tulad nina Jeron Teng, Simon Enciso at JVee Casio.

“I’ll go to battle with those guys in the locker room, any day,” giit ni Compton. “They play that hard, they give you a chance.”

Nilista ni Teng ang pinakatamikas niyang laro sapul nang bumalik mula sa isang buwang pagkawala matapos masaksak sa isang gulo sa BGC, nagsumite ng 13 points mula sa 4 of 8 shooting at may tig-three rebounds, assists at steals. Si Enciso ay tumapos ng 19 points at six assists.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?