AWOL na parak, arestado sa pagbebenta ng shabu

Sharing is caring!

Tiklo ang isang AWOL na pulis at kasamahan nito sa isinagawang entrapment operation ng mga awtoridad sa Barangay Libjo, Batangas nitong Lunes.

Ayon sa inisyal na ulat, nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Drug Enforcement Unit ng Batangas City Police at ng Provincial Intelligence Branch ng Batangas Police Provincial Office si PO2 Kristofferson Reyes, isang AWOL na pulis at kasama nitong si Henry Banaira, na kapwa residente ng Barangay Poblacion East sa bayan ng Taysan.

Nakuha sa mga suspek ang isang cellphone, isang .9MM na baril na may 19 na bala, isang itim na bag at dalawang bulto ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga umano ng P23,000.

Simula umano nang mag-AWOL ang pulis noong 2016 ay nasasangkot na ito sa mga ilegal na gawain.

Ayon sa Batangas City Police, nagbebenta na rin ang mga suspek ng ilegal na droga online.

Maging ang pagbabayad sa droga ay sa pamamagitan na rin ng remittance sa bangko o money transfer.

Itinanggi naman ng dating pulis ang mga paratang sa kanila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?