198

Oct 17, 2017 @ 17:13

Awayan sa cell phone charger, nauwi sa patayan

Malubhang nasugatan ang 51-anyos na lalaki makaraang pagsasaksakin ng kanyang biyenan dahil lamang sa pag-aaway sa charger ng cell phone sa Bagong Silang, Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Agad na isinugod sa ospital ang biktimang nakilalang si Ricardo Tan, may-asawa, residente ng Sitio Veterans, Barangay Bagong Silang.

Kinilala ang tumakas na suspek na si Teodolo Cerro, 74, biyenan ng biktima, na nakatira rin sa nasabing lugar.

Ayon kay PO2 Frederick Silos, ng Criminal Investigation Unit ng Quezon City Police District, dakong alas-11:00 ng gabi nang magtalo ang mag-biyenan sa loob ng kanilang bahay dahil sa charger ng matandang lalaki na ginamit pala ng biktima nang walang paalam.

Dahil dito’y nagalit si Cerro nang makitang gamit na ni Tan ang charger kaya kinompronta nito ang biktima.

Upang hindi na lumaki pa ang gulo, nagdesisyon na lamang ang biktima na lumayo na lamang pero sinundan siya ng biyenan saka inundayan ng sunud-sunod na saksak sa katawan. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?