knife-stabbed
By

Away sa parkingan, nauwi sa saksakan

Sharing is caring!

Muntik nang maging mitsa ng buhay ng isang truck driver ang maling pagpa-park matapos may makaalitan siya dahil dito na nauwi sa pisikalan at pananaksak sa lungsod ng Caloocan kahapon.

Sa ulat ni PO3 Michael Olpido ng Caloocan City Police-Station Investigation Division and Management Branch, alas-4:30 ng hapon nangyari ang insidente sa sa Monumento, Barangay 76 ng nasabing lungsod.

Nakaparada sa nasabing lugar ang delivery truck na minamaneho ng biktimang si Arlan Bayron, 32-anyos, may asawa at residente ng Barangay 165, Bagbaguin ng nasabi ring lungsod.

Nilapitan ng dalawang lalaki si Bayron na nakilalang sina Eduardo Gutierez, 52, at isang alyas Iboy dahil sa mali umanong pagpa-park ng una.

Kalmado pa umano ang pangyayari nang biglang magkasigawan ang dalawang panig at nagkasuntukan hanggang sa makuyog na ng dalawang suspek ang biktima.

Hinawakan umano ni Gutierez sa magkabilang braso ang biktima habang bumunot naman ng patalim si Iboy at inundayan ng sunod-sunod na saksak si Bayron.

Agad nagsitakas ang mga suspek matapos ang pananaksak habang mabilis na naisugod sa Manila Central University ang biktima na ngayon ay inoobserbahan pa rin ang kalagayan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?