152

Dec 5, 2017 @ 10:19
By

Away sa parking nauwi sa pamamaril

Nang dahil sa away sa parking, pinagbabaril ang isang sasakyan sa Lardizabal St., Sampaloc, Maynila mag-a-alas-nuwebe ng gabi.

Basag ang kaliwang bintana ng maroon na Mitsubishi Mirage makaraang pagbabarilin ng apat na beses ng suspek na nakilalang si Louie Gubac.

Kuwento ng biktima na si Michael, nag-park siya ng sasakyan sa bahay ng tiyuhin ng suspek na siya namang pinag-ugatan ng kanilang pagtatalo.

Ayaw daw umano siyang payagan ng suspek na makapagparke at tila inaangkin nito ang kalsada.

Umalis ang biktima para ihatid ang kanyang asawa sa Lacson St., at makaraan ang ilang minuto ay bumalik ito sa Lardizabal.

Dito na siya hinarang ng suspek at dalawang kasamahan nito. Pinaputukan ng baril ng suspek ang biktima na agad tumakas papalayo.

Himala namang nakaligtas ang biktima sa pamamaril at tanging daplis lamang ng bala sa kanyang relo ang kanyang tinamo.

Tinutugis na ngayon ng pulis ang suspek na mahaharap sa kasong attempted murder. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?