222
knife-with-blood
Jan 3, 2018 @ 18:31
By

Away ng magkapitbahay, tinapos sa patayan

Sa madugong tagpo nagwakas ang matagal nang hidwaan ng dalawang magkapitbahay matapos na walang habas na pagsasaksakin ang isa sa Malabon City kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ni PO2 Aaron Blanco, ng Malabon City Police-Homicide Unit, alas-5:30 ng hapon nangyari ang krimen sa kahabaan ng Adante Street, Barangay Tanong ng nasabing lungsod.

Nakikipagkuwentuhan ang biktimang si Rafael Mirambel, nasa hustong gulang, negosyante ng nasabi ring lugar, sa isa rin niyang kapitbahay nang biglang dumating si Allan Suarez, 39, bumunot ng patalim at pinagsasaksak sa likuran ang una.

Tumakas ang suspek habang mabilis namang naisugod ng kanyang kapitbahay at kaanak sa Tondo Medical Center ang biktima na ngayon ay patuloy pa ring isinasalba ang buhay.

Kusang sumuko sa kapitan ng kanilang barangay na si Chairman Jun Buenaventura ang suspek at isinuko ang kutsilyo na ginamit niya sa krimen.

Sinamahan naman ng kapitan ang suspek sa himpilan ng pulisya upang masiguro ang kaligtasan nito mula sa galit ng pamilya ng biktima.

Nabatid na matagal nang may alitan ang biktima at suspek ngunit hindi naman malinaw ang pinag-ugatan nito. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?