171

Jan 8, 2018 @ 19:02
By

Away ng 2 AWOL na pulis: 1 patay

Nasawi ang isang dating pulis nang saksakin ng kapwa niya wala na rin sa serbisyo na parak matapos magtalo sa Caloocan City kaninang madaling-araw.

Sa ulat ng Caloocan City Police, alas-2:30 ng madaling-araw nangyari ang insidente sa isang lamay ng kapitbahay ng biktimang si Joel Samonte Canlapan, 41-anyos, isang AWOL (absent without official leave) na pulis sa Usuan Extension, KBS Tower Compound, Barangay 28 ng nasabing lungsod.

Nakikipag-usap sa kapitbahay ang biktima nang dumating ang suspek na isa ring AWOL na pulis na si Manuel Manantan, alyas Payie, nasa hustong gulang, at kinompronta ang biktima sa hindi pa batid na dahilanan.

Humantong ito sa pagtatalo at suntukan, kung saan bumunot ng patalim ang suspek at inundayan ng mga saksak ang biktima sa katawan.

Agad na tumakas si Manantan habang isinugod sa Caloocan City Medical Center si Canlapan ngunit hindi na pinalad na mabuhay.

Kasalukuyan nang tinutugis ang suspek at nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya sa kung ano ang dahilan ng pag-aaway ng dalawang AWOL na pulis. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?