69

Nov 5, 2017 @ 14:07

Awat muna sa pagtaas ng SSS contribution – Evardone

Dapat ipagpaliban muna ng Social Security System (SSS) ang plano pagtataas ng kontrinusyon sa mga miyembro nito hangga’t hindi nareresolba ang umano’y anomalya sa stock trading na kinasasangkutan ng apat nitong matataas na opisyal.

Ginawa ni House Committee on Banks and Financial Intermediaries chairman Ben Evardone ang panawagan sa harap nang nakatakda nitong paghahain ng resolusyon para imbestigahan ang sinasabing profiteering sa SSS.

“Dapat iklaro muna yung issue. In the meantime, i-postpone muna yung proposal na i-increase [yung contribution],” ayon kay Evardone.

“Kapag naging clear na at na-convince na nila yung mga miyembro na okay naman talaga, yun ang panahon na dapat na mag-increase ng members’ contribution,” dagdag ng kongresista.

Base sa naunang ulat, nakatakdang magtaas ang SSS ng kontribusyon ng mga miyembro sa Mayo.

Sa planong 1.5 percent hike sa contribution rate, aabot sa P15 hanggang P240 ang madaragdag sa bayarin ng mga miyembro kada buwan.

Noong nakaraang Huwebes, ihahain sana ni Evardone ang resolusyon para sa imbestigasyon pero walang tao sa Bills and Index ng kamara dahil sa Undas break.

Kabilang sa iimbestigahan sina Executive Vice President Rizaldy Capulong, Equities Investment Division chief Reginald Candelaria, Equities Product Development head Ernesto Francisco Jr. at Chief Actuary George Ongkeko Jr. dahil sa umano’y paggamit sa SSS-accredited brokers para sa sariling nilang transaksyon.

“Kasi di ba yung [mga members ng SSS], siyempre may agam-agam yan. Although sinasabi nga na walang pondo ng SSS na nagastos, but that’s only on the surface. Ongoing yung investigation nila internally, kami ay magco-conduct pa lang ng separate investigation, sabi ni Evardone.

“In the meantime na may agam-agam, may duda, may issue na umiikot sa SSS, baka hindi timely yung pag-increase diyan,” pahayag ng kongresista. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?