185

Dec 19, 2017 @ 16:07
By

Atletang karatedo pinagbabantaan na

Humingi ng tulong at proteksiyon kay Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon Fernandez ang dalawa sa walong pambansang atleta na nagsampa ng reklamo kontra sa mga opisyales ng Philippine Karatedo Federation (PKF) matapos hindi ibigay ang dapat nitong makuhang allowance sa pagsasanay sa Germany.

Ikinagalit ng dating PBA player na si Fernandez ang panggigipit at pananakot sa mga pambansang atleta matapos na magbigay ng kanilang opisyal na pahayag sa pamunuan mismo ng ahensiya ng gobyerno sa sports na isinumite ang reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) para mabigyan ng nararapat na aksiyon.

“@Marc Velasco, if you know this Guy Rommel Raymundo please call him to stop threatening the guys that signed! He called UP Dagohoy this a.m and tinatakot, sinasabi alam daw nila ang ginawa nila mga players, signing!” ayon sa ipinadalang text message mismo ni Fernandez kay Philippine Sports Institute (PSI) head at itinalaga na national training director na si Marc Velaso.

“Please tell him I requested you to tell all their coaches to stop harassing these guys, if I hear again they are doing it pupuntahan ko sila dyan! Or Better still Chairman @William Ramirez we let those coaches and officials get out of ultra until investigations of the NBI is done! Thank you,” sabi pa ni Fernandez.

Nagtungo mismo noong Lunes sina PSC Chairman William Ramirez kasama si Executive Director Atty. Sannah Frivaldo sa NBI upang isampa ang reklamo ng mga atleta matapos ibulgar ng ilan sa mga nakasamang atleta ang anomalya sa asosasyon ng karatedo upang magsanay at sumali sa torneo sa bansang Germany.

Ipinaliwanag ni Fernandez na inaprubahan ng ahensiya ang pagsasanay ng 15-kataong delegasyon ng karatedo sa Germany noong Hulyo 20 hanggang Agosto 9 bilang paghahanda para sa paglahok sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Walang nakuhang gintong medalya ang asosasyon ng karatedo sa nasabing torneo bagaman nakapagwagi ng mga pilak at tanso. Wala ring nakuhang allowance mula sa inaprubahan ng PSC na pondo ang mga atleta.

Sinabi ni Fernandez na inaprubahan ng PSC ang kabuuang pondo na P3,217,874.75 bilang allowance ng 15 atleta kasama ang namumuno na si PKF secretary-general Raymond Lee Reyes at Iranian coach na si Ali Parvinfar.

Base sa PSC Board Resolution ay tatanggap sana ang bawat atleta ng daily allowance na US$90 o US$1,800 sa 20-araw ang atletang binubuo nina Ireneo Soriano Jr., Mae Soriano, Miyuki Tacay, John Paul Bejar, Rexor Tacay, John Michael Vincent Badil, Engener Stoner Dagohoy, Jayson Ramil Macaalay, Carmelo Patricio Jr., OJ delos Santos, Sharief Afif, Erica Celine Samonte at Kimverly Madrona.

Subalit nakabalik na mula Germany at nakasabak na sa natapos na Malaysia SEA Games ay hindi pa natatanggap ng mga atleta ang kabuuan ng US$1,800 na dahilang upang ipaalam ang sitwasyon kay Fernandez.

Sinabi ng mga atleta na tanging naibigay sa kanila na paunti-unti ay Euro 400 o US$470 bawat isa. Ipinaliwanag ng mga atleta na binigyan sila ng Euro100 bago umalis na sinundan ng dagdag na Euro100 mula kay Ali sa unang araw ng kanilang ensayo sa Germany.

Pagdating ni Reyes na anim na araw namalagi sa Germany at 13-araw na sa pagsasanay ang atleta ay nagdagdag ito ng Euro200. Maliban sa US$1,800 ay sinagot din ng PSC ang P1,193,570 sa hotel accommodation; P322,966 sa training seminar expenses; P140,420 sa transpo; P140,420 sa visa and insurance at P95,285 sa gym rental.

Pansamantala naman hiniling ni Reyes na hindi magbigay ng pahayag at hihintayin muna niya ang official complaint bago ipaliwanag ang kanyang panig. (Lito Oredo)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?