238

Oct 26, 2017 @ 10:42

Atak pineperahan lang Depensa ng mga kaibigan

By JOJO GABINETE

A case of life imitating art or art imitating life? Ito ang aming tanong sa sarili nang panoorin  namin ang The Barker, ang action comedy movie nina Empoy Marquez at Shy Carlos na nagkaroon  ng red carpet premiere sa Cinema 7 ng SM Megamall noong Martes.

Kasama sa The Barker si Atak Arana bilang kaibigan ng karakter na ginampanan ni Empoy. May mga eksena si Atak sa The Barker na nagtangka siya pero hindi nagtagumpay na halikan ang mga male bitplayer na nagpaalaala sa audience ng kahalayan na ginawa niya noong Linggo sa Okada Manila bell attendant na si Mark Christian Macavinta.

Bago pa kinasuhan si Atak ng acts of lasciviousness dahil sa pandadakma, pagyakap at paghalik kay Macavinta, nakunan na ang kanyang mga eksena sa The Barker.

May mga nag-iisip na baka naging inspirasyon ni Atak ang mga eksena niya sa The Barker kaya nagkaroon siya ng lakas ng loob na gawan ng kalaswaan si Macavinta.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Atak tungkol sa eskandalo na kinasasangkutan pero ipinagtatanggol siya ng mga kaibigan niya na hindi naniniwala sa mga ibinibintang laban sa komedyante.

May mga nagkomento na mabait na tao si Atak at posibleng pineperahan lamang siya ng complainant. Nagsampa na ng reklamo si Macavinta at hindi makakatulong kay Atak o sa kaso nito ang mga irrelevant opinion ng kanyang mga defender.

Maxine nahasa sa sampal ni Dianne Medina

Malaki ang impluwensya ni Dianne Medina kaya pumasok sa showbiz ang kanyang pinsan, si Miss Universe Philippines 2016 Maxine Medina. Natatawa na ikinuwento ni Maxine ang motivation na ginawa sa kanya ni Dianne noong mga bata pa sila.

Si Dianne ang unang nangarap na maging artista kaya bahagi ng laro nila ang kanyang mga pa-workshop at audition.

“Nu’ng mga bata pa kami, lagi niya kaming pina-practice. Actually, meron siyang audition, ang ginagawa niya sa amin, inihaharap niya kami sa electric fan tapos mino-motivate niya kami na umiyak. Kapag hindi kami umiyak, sasampalin niya kami. Ganoon si Ate Dianne sa amin,” ang kuwento ni Maxine tungkol sa kanyang pinsan na naging instrumento para makapasok din siya sa showbiz.

Introducing si Maxine sa Spirit of the Glass 2: The Haunted, ang horror movie ng Octoarts Films na ipalalabas sa mga sinehan sa November 1.

Dalawa ang special screening na inihahanda ng Octoarts Films para sa Spirit of the Glass 2: The Haunted.

Ayon kay Boss Orly Ilacad, ang producer ng Octoarts Films, napanood na niya ang kabuuan ng pelikula at satisfied na satisfied siya sa trabaho ng direktor na si Joey Reyes at sa performance nina Maxine, Ashley Ortega, Cristine Reyes, Daniel Matsunaga, Benjamin Alves at Janine Gutierrez.

Ipinagmalaki ni Boss Orly na ibang-ibang Janine ang mapapanood sa Halloween presentation ng film company niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?