134

Nov 24, 2017 @ 8:37
By

Asset ng pulis, itinumba sa Tondo

Patay ang sinasabing asset ng mga pulis matapos pagbabarilin ng iba pang asset ng mga pulis sa Tondo, Maynila kaninang umaga.

Nakilala ang biktima na si Demetrio Sahagun 40 anyos at residente ng 1879 F Varona St habang natukoy naman ang 3 suspek na sina John Marbin Gonzales, Jr Nicolas at Joey Almin.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District, nagkainggitan ang biktima at mga suspek dahil tila nagiging paborito na ito ng mga pulis sa Station 1.

Napag-alaman din na may utang na malaking halaga sa mga pulis si John Marbin at nagtatago na ito.

Sa CCTV footage ng Brgy. 86 zone 7, pasado alas-6:15 makikita na nakikipag-usap ang biktima sa nanay ni Marbin dahil hinanap nya ito.

Nabatid rin na nagbabala na ang nanay ng suspek sa biktima na umalis na ito at huwag nang hanapin ang anak nya dahil bibirahin lamang siya nito.

Habang abala sa pakikipag usap, biglang pinaputukan ng baril ni JR Nicolas si Sahagun.

Dito na napatakbo si Sagahun na siya namang hinabol ni Marbin at ni Joey Almin.

Pagpasok sa makitid na kalye, na-corner ng 3 ang biktima, sabay sabay na pinutukan ng baril at sinipa pa.

Pagkatapos nito, tumakbo ang 3 sa Franciso at Gerona St at sumakay sa motor.

Dinala ng mga tauhan ng Pritil PCP ng MPD Station 1 ang biktima sa ospital pero makalipas ang ilang oras ay binawian na ito ng buhay.

Patuloy na tinutugis ngayon ng mga pulis ang mga suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?