35

Sep 29, 2017 @ 18:44

Assessment division chiefs ng BOC, sisibakin

Nanganganib na masibak sa pwesto ang mga hepe ng assessment division ng Bureau of Customs (BOC) sa 17 pantalan sa bansa sa pagkakasangkot diumano sa katiwalian.

Ayon kay BOC Commissioner Isidro Lapena, pinag-aaralan niyang alisin ang karamihan sa mga assessment division head makaraang makarating sa kanya ang ulat na dawit ang mga ito sa anomalya, partikular na ang pagbibigay ng “tara” ay nangyayari sa proseso ng assessment.

“In fact, I will move the heads first, mga chief ng mga sections na yan that has been identified. Maybe, I will allow the deputy to take over and see if he performs better than his chief,” ang pahayag ni Lapena.

Paglilinaw naman ni Lapena, batid niya na kinakailangan pa ring umiral ang due process kaya hindi maaring basta na lamang suspindihin ang mga opisyal at empleyado sa ahensya.

Pero bilang paunang hakbang, maari naman niyang iutos na palitan ang mga nasabing opisyal sa pwesto dahil ito ay sakop naman ng kanyang kapangyarihan.

“I can relieve anybody based on my assessment for the best interest of the service. But the investigation will continue. If there is enough basis, they would be subjected to disciplinary action. And disciplinary action would include dismissal from the service,” paliwanag ni Lapena.

Gayunman, hinihintay pa umano niya na makumpirma ang mga impormasyong nakarating sa kanya bago siya mag-utos ng pag-alis sa pwesto ng ilang opisyal sa kawanihan.

Posible umano na sa Lunes ay mapagpasyahan na niya kung itutuloy ang planong pagpapaalis sa puwesto ng mga hepe ng assessment division. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?